Villanueva, inihain sa plenaryo ang panukalang Department of Migrant Workers and Overseas Filipinos

Sa ilalim ng panukalang pagtatatag ng Department of Migrant Workers and Overseas Filipinos (DMWOF), layunin itong pag-ibayuhin ang mga serbisyo ng gobyerno sa mga Pilipino sa ibang bansa, ayon kay Senador Joel Villanueva.

 

Nagbigay kahapon ng sponsorship speech si Villanueva, chair ng Senate labor committee, para sa Senate Bill No. 2234, na magtatatag sa DMWOF. 

 

“Sa kasalukuyan, hiwa-hiwalay po ang mga opisina at ahensyang nagbibigay ng mga serbisyo sa ating mga OFWs at OFs.  Nakikisilong o nakikitira lamang ang mga opisinang tumututok sa ating mga OFWs at OFs sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno. Walang iisang masusulingan sa panahon ng pangangailangan at hindi naging seamless ang pagkatagni-tagni ng mga trabaho para sa mabilis at agarang serbisyo,” ani Villanueva.

 

“Ngayon, sa pamamagitan ng Department of Migrant Workers and Overseas Filipinos, pag-uugnay-ugnayin ang mga ahensya at opisinang ito at ilalagay sa iisang bahay at iisang bubong, maliban po sa OWWA na magiging attached agency ng Kagawaran,” ayon sa mambabatas.

 

Maliban sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na magiging attached agency sa ilalim ng DMWOF, ilalagay sa departamento ang mga sumusunod na mga ahensya ng gobyerno: 

 

Ang Philippine Overseas Employment Agency, National Reintegration Center for OFWs, Philippine Overseas Labor Offices, at ibang mga functions ng International Labor Affairs Bureau, National Maritime Polytechnic, na bahagi ng Department of Labor and Employment;

“Sa kasalukuyan, hiwa-hiwalay po ang mga opisina at ahensyang nagbibigay ng mga serbisyo sa ating mga OFWs at OFs. Nakikisilong o nakikitira lamang ang mga opisinang tumututok sa ating mga OFWs at OFs sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno."

Ililipat rin sa DMWOF ang Office of the Undersecretary for Migrant Workers’ Affairs, na isang sangay ng Department of Foreign Affairs, at ang International Social Services Office ng DSWD.

 

Kasama rin sa malilipat sa proposed DMWOF ang Commission on Filipinos Overseas mula sa Office of the President.

 

Nilinaw ni Villanueva na hindi magiging polisiya ng gobyerno na magpadala ng manggagawa sa ibang bansa kapag natatag ang departamento. Bahagi ng panukala ang tinatawag na sunset provision kung saan minamandato ang pag-review sa departamento 10 taon matapos ito itatag.

 

Muli, gusto po nating sabihin na nagtatayo tayo ng bahay para sa mga OFWs at overseas Filipinos dahil may ibubuti pa ang pangangalaga natin sa ating mga bagong bayani. Naniniwala tayong may ibubuti pa ang buhay ng mga Pilipino. May ibubuti pa ang ating ekonomiya. May ibubuti pa ang ating mga industriya.  May ibubuti pa ang mga institusyong humuhubog sa ating lakas paggawa,” ayon kay Villanueva.

 

“Kapag bumuti po ang lahat, hindi na kailangang mag-abroad pa ng Pilipino at mawalay sa kaniyang mag-anak para lang mabuhay. It is our dream to see our kababayans migrate only out of choice, and not out of necessity,” aniya.