Villanueva, nanawagang gamitin ang bilyon-bilyong calamity fund na hindi nagastos para ipagawa ang nasunog na PGH
Ipinanawagan ni Senator Joel Villanueva sa mga awtoridad na gamitin ang P19.445 bilyon na Calamity Fund ng taong 2020 at 2021 na hindi pa nagagastos upang masimulan ang paggawa sa mga bahagi ng Philippine General Hospital na nasunog nitong Linggo ng madaling araw.
“Dapat i-tratong parang ER case ang nangyari sa PGH at lapatan ng agarang lunas ang nangyari dito. Maaari pong gamitin ang pondo mula sa calamity fund upang masimulan kaagad ang pagkumpuni sa ating PGH,” ani Villanueva, chair ng Senate labor committee.
Aniya, nakakapanghina ang makita ang mga pasyente, lalo na ang mga sanggol na nasa incubators pa at mga pasyenteng intubated na, habang lumilikas sa kasagsagan ng sunog sa PGH.
“Double calamity ang nangyari sa mga pasyente ng PGH. Kaya po mahalagang masimulan ang pag-repair sa PGH dahil libu-libong kababayan natin ang umaasa sa kanilang kalinga at aruga,” sabi ni Villanueva.
Ngunit hindi lamang ang mga pasyente ng hospital ang mape-perwisyo sa nangyaring sunog, maging ang publiko ay maaapektuhan ng sakunang tumama sa PGH.
“Dapat i-tratong parang ER case ang nangyari sa PGH at lapatan ng agarang lunas ang nangyari dito. Maaari pong gamitin ang pondo mula sa calamity fund upang masimulan kaagad ang pagkumpuni sa ating PGH.”
“Dahil sa nangyari, bawas na ang kakayahan ng PGH na tumanggap ng mga bagong pasyente. Kulang na nga po sila sa bed capacity, lalo pang nabawasan. Paano na lang po ang mga may COVID-19 o yung mga may kanser?” anang senador.
Ipinaliwanag ni Villanueva na ang hindi pa nagagastos sa Calamity Funds – pormal na tinatawag na National Disaster Risk Reduction Management Fund o NDRRMF – ay ang P20 bilyon na nakalaan ngayong 2021, kung saan P5 bilyon ay para sa Marawi Rehab.
Noong 2020, mayroon pang P5.14 bilyon na hindi nagamit mula sa pondo na idadagdag para sa taong ito. Ayon sa tala ng DBM ng Abril 30, nailabas na ang P2.909 bilyon sa mga ahensya, habang nakatakdang i-release pa ang P2.779 bilyon, kaya P19.445 bilyon na lang ang natitira.
Kahit pa may insurance ang PGH laban sa mga sakunang tulad ng sunog, maaari pong hindi ito sapat sa pagpapagawa ng mga nasira ng apoy, ayon sa mambabatas.
“Allowed naman po sa ilalim ng batas ang paggamit ng calamity fund dahil ang sunog ay maituturing na isang man-made calamity,” ani Villanueva.