Villanueva: Manggagawang Pilipino, dapat ‘biggest winner’ sa recovery programs ng gobyerno

Mabilis na makakabangon ang bansa sa kinasasadlakan nitong kahirapan dulot ng pandemya kapag tutugunan ng pamahalaan ang lahat ng pangangailangan ng manggagawang Pilipino, lalo na sa aspeto ng ayuda at bakuna, kasama na ang mga pagsasanay para sumabak sa “new normal.”

 

“Dahil manggagawa po ang higit sa lahat na pinadapa at naging pinaka-apektado, marapat lamang na manggagawa rin ang higit na makinabang sa recovery programs ng gobyerno at makaranas ng alalay sa pagbangon,” ani Villanueva sa kanyang mensahe sa paggunita ng Araw ng Paggawa.

 

“Ang muling pagbangon ng mga manggagawa ang tanging pag-asa at paraan upang ang ating ekonomiya ay muling umangat at sumulong.”

 

Aniya, maraming hindi magandang “record high” ang naranasan ng bansa sa panahon ng pagragasa ng COVID-19, kasama na ang pagbagsak ng ekonomiya at ang paglobo sa 10.3% o 4.5 milyong tao ang unemployment.

 

Dagdag pa ng senador, kung ang pagbabatayan lamang ay ang haba ng pila sa mga community pantries sa iba’t ibang bahagi ng bansa, makikita na kulang na kulang ang ayuda na natatanggap ng mga Pilipino, lalo na yung mga nawalan ng trabaho.

 

He said that if the long lines at community pantries – initiated through the kindness of private citizens – were any indication, then Filipino workers are receiving too little aid at a time of great need.

 

“Araw-araw pong humahaba ang pila sa mga community pantries dahil hindi na lang isang araw ang kailangang maitawid ng ating mga kababayan, kundi ang kanila nang pang-araw-araw. Sinasalamin po nito ang kalagayan ng ating mga manggagawang nawalan ng trabaho, mga no-work-no-pay, lalo na po ang mga nasa informal sector,” ikinalungkot ni Villanueva.

 

“Naniniwala po tayo na may kakayahan ang gobyernong magbigay ayon sa kanyang mandato, pananagutan at kapangyarihan. Ang kailangan po natin ngayon ay pantry ng mga trabaho, pantry ng mga ayuda, at pantry ng mga bakuna,” anang chair ng Senate labor committee.

“Naniniwala po tayo na may kakayahan ang gobyernong magbigay ayon sa kanyang mandato, pananagutan at kapangyarihan. Ang kailangan po natin ngayon ay pantry ng mga trabaho, pantry ng mga ayuda, at pantry ng mga bakuna”

“Kailangan pa rin po ng ayuda. Bagamat marami na po ang nabigyan, marami pa rin po ang naghihintay lalo na ang mga nasa informal sector, mga small and medium enterprises, gayundin ang mga kababayan nating magsasaka, mangingisda, at isama na rin natin ang mga magbababoy.”

 

Dahil dito, ikinagalak ni Villanueva ang paglulunsad ng Tulong Trabaho Scholarship Program na makakatulong sa mga manggagawang Pilipino sa kanilang pagpapayabong ng kaalaman para magtrabaho sa panahon ng “new normal.” Principal author at sponsor si Villanueva ng Republic Act No. 11230, o Tulong Trabaho law.

 

Pinuri din ng senador si Labor Secretary Silvestre Bello’s sa pagpupursige nitong makahanap ng trabaho para sa mga manggagawa. Sa katunayan, may 27,000 job vacancies ang nakalap ng kagawaran sa mga programa nito tulad ng virtual Trabaho, Negosyo, Kabuhayan Job and Business Fair na idinaos ngayong Labor day.

 

“Higit sa lahat at sa lalong madaling panahon, kailangang makarating sa braso ng ating mga manggagawa ang bakuna. Bakuna po ang pinakaimportanteng armas natin laban sa pandemya, upang agarang makapagsimula sa muling pagbangon at pagsulong,” sabi ni Villanueva.

 

“Sa lahat ng manggagawang Pilipino lalo’t higit sa ating mga frontliners at essential workers, maraming salamat po. Sa gitna ng panganib, hindi kayo tumitigil sa pagkayod. Nakatala na po sa ating kasaysayan kung paanong sa giyera ng ating lipunan laban sa pandemya ay kayo ang nanguna sa pagtatanggol sa bayan,” dagdag pa niya.

 

“Sa pinagsama-samang lakas, talino, kasanayan, puso, at determinasyon ng mga manggagawa, walang dahilan upang hindi magiging matagumpay ang Sambayanang Pilipino.”