Villanueva: Planong bakuna sa manggagawa ngayong Labor Day, ituloy-tuloy na!
“Hindi lang sa araw ng Mayo Uno, kung hindi dapat tuloy-tuloy na ang bakuna para sa ating mga manggagawa.”
Ito ang pahayag ni Sen. Joel Villanueva bilang reaksyon sa plano ng pamahalaan na magbakuna ng isang piling grupo ng mga manggagawa bilang paggunita sa okasyon ng Araw ng Paggawa.
Pinuri naman ng senador ang Department of Labor and Employment o DOLE sa planong gawing bahagi ng selebrasyon ng Labor Day ang pagbabakuna sa mga manggagawa.
“Bilib ako sa magandang intensyon ni Secretary Bebot Bello. Kung siya lang masusunod talagang buhos na bakuna sa mga manggagawa,” ani Villanueva.
“At sana po ay hindi lang ito ‘for show’ ng isang araw lang, at sana maging isang tuloy-tuloy na programa na ito. Kailangan na po ng ating economic frontliners ang mabakunahan na sa pagsabak sa araw-araw na peligro, at hindi lang dahil Labor Day,” ani Villanueva, chair ng Senate committee on labor.
Nanawagan na din ang dating TESDA chief sa DOLE na balangkasin na ang listahan ng “essential workers” sa ilalim ng A4 classification sa vaccination drive ng economic frontliners pagkatapos ng Labor Day.
Dapat na umanong ihanda na ng kagawaran ang rehistro ng kasama sa A4 priority list para maidaos ng matiwasay ang pagbabakuna ng wala aniyang delay at gusot, at dapat hindi lang manggagawa sa formal sector at OFWs ang kasama, kundi pati na rin ang nagtratrabaho sa informal sector.
“May paraan sana tayo para kilalanin ang mga manggagawa sa informal sector. Baka pwedeng gumawa ng app para magparehistro, at baka pwede ding magpahiram ng database ang DSWD,” ani Villanueva.
“Ito ay upang ipakita sa mga manggagawa sa transportasyon na kung ang vaccination ay isang byahe tungo sa isang maaliwalas na bukas, kasama sila at hindi sila iiwanan”
"Halimbawa, tindera ng pagkain sa palengke, driver ng jeep, pahinante ng mga food trucks, mga essential workers ang mga yan na self-employed na hindi kasama sa directory of workers ng isang kumpanya, " dagdag pa niya.
Maganda din sabi ng senador na kung maaari, baka pwede na ding maging vaccination sites ang mga pabrika at lugar ng paggawa.
Maaari naman itong gawin kahit saan, basta’t nasa ilalim ng direksyon ng pamahalaan. “Ang pabrika o opisina ng isang call center ay walang pinagkaiba sa barangay hall o clubhouse ng isang subdivision kung pagbabakuna ang pag-uusapan.”
Mainam din umanong gawin ang pagbabakuna sa mga terminal o garahe ng mga bus o jeepney.
“Ito ay upang ipakita sa mga manggagawa sa transportasyon na kung ang vaccination ay isang byahe tungo sa isang maaliwalas na bukas, kasama sila at hindi sila iiwanan,” pagtatapos ni Villanueva.