Villanueva sa DA: Dapat mauna ang tulong sa lokal na magbababoy bago pork imports

“Bumabaha ng pork imports sa bansa, pero ga-patak naman ang tulong at ayuda sa ating mga magbababoy.”

 

Ito ang malungkot na pahayag ni Sen. Joel Villanueva sa estado ng lokal na industriya ng magbababoy sa bansa, habang mariin niyang hinimok ang gobyerno na ilagay sa prayoridad ang pagbibigay ng tulong sa local hog raisers bago pa man luwagan ang restriksyon sa pag-angkat ng karneng baboy.

 

“Mahirap naman po kung ang ETA o estimated time of arrival ng imported pork ay mas maaga kesa delivery ng ayuda sa mga lokal na magbababoy. Kung tayo po ang nasa kalagayan nila, ano po kaya ang mararamdaman natin kung bumabaha ng pork import sa palengke samantalang makupad ang dating ng tulong sa atin?” ani Villanueva.

 

Dagdag pa ng senador, dalawang taon nang “delayed” ang Department of Agriculture (DA) sa paglalatag ng isang komprehensibong estratehiya sa pagsugpo sa African Swine Fever na patuloy ang malubhang pinsala local hog raisers ng bansa.

 

Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate Committee of the Whole nitong Martes, napansin ni Villanueva na hanggang ngayon ay hindi makapagprisinta ng isang “grand plan” ang DA para tulungang makabangon ang mga magbababoy ng bansa.

 

“Walang plano, walang strategy para buhayin ang namamatay na industriya ng pagbababoy. Ni-hindi po updated ang database ng ating mga hog farmers. Kaya ang resulta, dalawang taon na karamihan wala pang tulong na natatanggap,” anang senador.

 

Dapat daw umanong nakalista muna sa database o Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) ng DA ang mga lokal na hog raisers bago pa man maging kwalipikadong tumanggap ng tulong mula sa gobyerno, maging ayuda man o galing sa Philippine Crop Insurance Corp. (PCIC).

“Hindi po ba sapat na patunay yung namatayan ka para mabigyan ng ayuda? Kung ihahambing ito sa insurance ng tao, meron pong death certificate, ngunit ino-obliga pang i-register ang birth, at ikuha ng death certificate ang patay”

Ayon pa sa DA, ang “indemnification program” nito ay magbabayad ng P5,000 kada ulo ng apektadong baboy ng ASF, samantalang P10,000 naman kada ulo pag pasok ito sa ilalim ng panuntunan ng PCIC.

 

Ngunit hindi ito maipatupad dahil hindi pa finalized ang implementing guidelines sa insurance program at hindi updated ang RSBSA.

 

Diin ni Villanueva, trabaho ng DA na ayusin ang database nito para masimulan na ang ayuda sa naghihingalong industriya ng pagbababoy sa bansa.

 

“Hindi po ba sapat na patunay yung namatayan ka para mabigyan ng ayuda? Kung ihahambing ito sa insurance ng tao, meron pong death certificate, ngunit ino-obliga pang i-register ang birth, at ikuha ng death certificate ang patay,” tanong ni Villanueva.

 

“Ang nakakalungkot po kasi, pati ang listahan dito ay wala pa rin. Hihintayin pa po ba natin maglabas ng ng obituary ang mga magbababoy?”