Villanueva: house-to-house o drive-thru ‘bakunahan’ kontra COVID-19 para sa mga senior citizens

Iminungkahi ni Sen. Joel Villanueva sa gobyerno na dagdagan pa nito ang proteksyon sa lahat ng senior citizens sa bansa sa pamamagitan ng pagbabahay-bahay ng bakuna kontra COVID-19 sa kanila o sa pamamagitan ng pagtatalaga ng mga “drive-thru centers.”

 

Aniya, ang mga seniors o yaong mga may edad 60 taon pataas ang pinakamataas sa listahan ng “at-risk” na bahagi ng populasyon sa pandemyang kinakaharap, at ang mungkahing house-to-house at drive thru centers ang pinakaligtas paraan para sila ay mabakunahan kontra COVID-19.

 

“Marami po sa ating seniors ang may sakit o may kahirapan sa paggalaw. Malaking kaginhawaan po sa kanila kung may drive-thru ng bakuna kung saan mananatili lamang sila sa kanilang mga sasakyan at malayo sa exposure sa virus na ito,” sabi ni Villanueva.

 

“Pero ang best option pa rin ay siyempre ay ang puntahan po sila sa kanilang mga bahay. Kung hindi sila makapunta sa bakuna, dalhin sana po natin ang bakuna sa kanila,” dagdag pa ng mambabatas.

 

Ang suhestyon na ito ni Villanueva ay nataon sa pagdiriwang ng World Immunization Week na magsisimula bukas, Abril 24, at isang magandang hakbang upang kilalanin natin realidad na marami sa ating mga senior citizens ang hindi na masyadong makalabas ng bahay.

 

“Marami po sa ating mga seniors, home alone talaga, at kadalasan pumupunta pa sa vaccination sites ng mag-isa at walang kasama. Kung ang kasama naman sa bahay ay ‘no-work, no-pay’ na manggagawa, wala po silang makakasama sa bakunahan,” paliwanag ni Villanueva.

“Hindi lang po hirap ang ating mga seniors sa pagkilos. Hirap din po sila sa salapi at sa kalinga”

“Dagdag pa po sa alalahanin ng mga senior citizens ang kahinaan nila sa paggamit ng teknolohiya. Para sa ilan, hindi alam ang paggamit ng internet. Wala na nga pong Facebook, online booking pa kaya?” sabi pa ng senador.

 

Ayon sa mambabatas, hindi rin kailangang may sariling sasakyan ang mga seniors pagdating sa drive-thru centers. “Kapag drive-thru, pwede tricycle o kaya pedicab. Mas mabuti naman po iyon kumpara sa ilang oras kang nakasakay sa monobloc,” ani Villanueva.

 

Ayon sa opisyal na datos, isa sa bawat labing-isang Pilipino ay senior citizen, at tinataya ang bilang nila ay nasa 9.9 milyon ngayong 2021.

 

Sa bilang na ito, 9.1 porsyento o mahigit 830,000 ang ikinokonsidera na “poor” sa isang sarbey ng Philippine Statistical Authority noong 2018.

 

“Hindi lang po hirap ang ating mga seniors sa pagkilos. Hirap din po sila sa salapi at sa kalinga,” ani Villanueva.

 

Para matulungan ang pinakamahirap na sektor na ito ng populasyon, nagbibigay ang pamahalaan ng P6,000 na taunang ayuda sa 3.789 milyong nakalistang senior citizens ngayong taon, na hinahati sa apat bigayan ng Department of Social Welfare and Development.

 

Naniniwala si Villanueva na kapag mas maraming senior citizen ang ma-expose sa COVID-19, mas lalong sisikip ang mga hospital sa bansa.