Villanueva: Lalong malulugmok ang lokal na magbababoy sa inaasahang pagbaha ng imported pork sa bansa

Nangangamba si Senator Joel Villanueva sa tuluyang pagbaha ng imported pork sa bansa kapag natuloy ang implementasyon ng pagbaba sa taripa nito at pagtataas ng volume ng importasyon.

 

Anang senador, kapag nagkataon, mas mahihirapang bumangon ang mga lokal na magbababoy sa bansa na kasalukuyang sinasalanta ng African swine fever kung makikipag-kumpetensya sila sa merkado laban sa imported pork.

 

“Kapag nag-import tayo ng mas marami ngayon, makakakain tayo ng ilang linggo o buwan. Pero kapag tinulungan nating makabangon ang ating mga kababayang magbababoy, magiging self-sufficient tayo pagdating sa karne at kakain tayo habambuhay,” ani Villanueva, chair ng Senate labor committee, sa isang statement.

 

“Hindi po tutol ang Senado sa pag-angkat ng karneng baboy. Pero lahat kami ay di sang-ayon sa pag-angkat ng sobra-sobra. Kung lechon de leche ang kailangan, bakit napakalaking lechon naman ang gustong bilhin?” dagdag niya.

 

Kamakailan lamang, nag-isyu ang Pangulo ng EO 128 na nagpapababa sa taripa ng imported pork at pagtataas ng importation volume nito mula 54,000 metric tons tungo sa 350,000 metric tons.

 

May pangamba si Villanueva na kapag natuloy ang implementasyon ng EO 128, baka magkaroon ng habas na pag-angkat ng karneng baboy at tuluyan nang sumadsad ang lokal na industriya ng magbababoy.

“Hindi po tutol ang Senado sa pag-angkat ng karneng baboy. Pero lahat kami ay di sang-ayon sa pag-angkat ng sobra-sobra. Kung lechon de leche ang kailangan, bakit napakalaking lechon naman ang gustong bilhin?”

“Bagama’t tumaas ng 20% ang ‘meat inflation rate,’ huwag naman po sanang i-inflate ang epekto nito at gamiting panakot para gawing open season ang pork importation,” sabi ni Villanueva. “Ang average share po ng karneng baboy, baka at manok ay 5.7% lang sa total family expenditures, o 6 na sentimo sa bawat piso na ginagasta ng isang pamilyang Pilipino.”

 

Sa pagdinig ng Senado sa isyu noong nakaraang linggo, sumang-ayon ang mga senador na dapat ay masusing pag-aralan ang tamang taripa at dami ng aangkating karneng baboy.

 

“Dapat po tayong mag-angkat ng pork sa tamang panahon, sa tamang taripa, sa tamang dami lamang, at mula sa tamang mga partidong mag-aangkat. At i-base po natin sa tamang facts and figures,” sabi ni Villanueva.

 

“Pero hindi pa din po tayo binabalikan ng DA sa hinahanap nating datos, lalo na kung ilan ang total na babuyan sa bansa at kung ilan ang manggagawa ng mga ito, kasama na kung ilan ang apektado ng pesteng ASF. Paano po tayo kikilos kung wala tayong datos?” dagdag niya.