Villanueva: ‘Bayanihan spirit in action’ ang mga nagbubukas na community pantry

Nagbigay-pugay si Senator Joel Villanueva sa dose-dosenang community pantry na binuksan ng mga pribadong indibidwal sa iba’t ibang lugar upang tumulong sa mga nangangailangan.

 

Aniya, isa itong patunay na ang pinaka-hinahangaang katangiang Pilipino na “bayanihan” ay buhay na buhay sa mga komunidad sa dami ng mga community pantry na nagbukas nitong nakaraang linggo.

 

“Ito po ang malinaw na pagsasabuhay ng ‘Mahalin mo ang iyong kapwa,’ at ‘bayanihan spirit in action.’ Dito po natin makikita ang katangian ng mga Pinoy na likas na mapagbigay at hindi makasarili. Nakakalungkot din pong isipin na ipinapakita rin nito ang kahinaan ng ating pamahalaan sa pagtulong,” ani Villanueva.

 

“Ito po ay isang paraan sa pagtugon sa panawagan ng ating mga komunidad para sa tulong. Pero kung kakayanin natin ang pandemyang ito, kailangan ng ating gobyerno na maging mas sensitibo sa pangangailangan ng mga tao,” ayon kay Villanueva.

“Sana patuloy po tayong makakuha ng inspirasyon sa mga community pantries na ito at sana ay mahikayat din ang gobyerno na kumilos ng mas mabilis”

“Sana patuloy po tayong makakuha ng inspirasyon sa mga community pantries na ito at sana ay mahikayat din ang gobyerno na kumilos ng mas mabilis,” dagdag pa niya.

 

Nagsimula ang community pantry sa isang lugar sa Maginhawa Street sa Quezon City noong nakaraang linggo. Naging viral sa social media at napakarami na ang sumunod at nagtayo ng kani-kanilang mga community pantry sa mga lugar tulad ng Metro Manila, Baguio City, Pangasinan, Pampanga, Bulacan, Batangas, Cavite, Laguna, Quezon, Camarines Sur at Iligan City.

 

“Sana mas ma-inspire po ang ating gobyerno sa mga kapita-pitagang indibidwal na nakaisip nito. Patunay po ito na malalim ang balon ng pakikipagkawang-gawa ng ating mga mamamayan pagdating sa pagtulong sa mga nangangailangan. Mas nauunawaan po ng mga tao ang konsepto ng kabutihan kaysa sa wika ng takot at pangamba,” ani Villanueva.