Villanueva, nanawagan para sa mabilis at maayos na pagpapatupad ng program kontra COVID-19

Nagpahayag ng suporta si Sen. Joel Villanueva sa pagtalakay tungkol sa panukalang Bayanihan 3 na maglalaan ng P420 bilyon para sa mga apektado ng COVID-19 crisis sa bansa, ngunit iginiit na dapat din daw tutukan ng pamahalaan ang maayos at mabilis na implementasyon ng mga kasalukuyang programa laban sa pandemya.

 

Sa isang pahayag, sinabi ni Villanueva na suportado niya kung ipatawag ang Senada sa isang special session para talakayin ang Bayanihan 3, ngunit mainam rin na tutukan ang mga programa ng pamahalaan tulad ng vaccination roll out at mga naiwang programa sa Bayanihan 2.

 

“Bukas po tayo sa Bayanihan 3, pero sa tingin natin ang makakatulong sa patuloy na pagtaas ng bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa ay hindi bagong batas kundi maayos na implementasyon ng mga programa natin sa krisis na ito. Una na po ang rollout ng bakuna, at pangalawa, ang mga pagpapatupad ng mga programa sa ilalim ng Bayanihan 2,” ani Villanueva.

 

Isiniwalat ng senador na ang kabuuang pondo na inilaan sa Bayanihan 2 ay P165.6 billion. Aniya, kahit na ang pondong ito ay naibigay na sa mga ahensya, halos kalahati lamang o P77.5 bilyon ang obligated at halos P38 billion pa lamang ang disbursed.

 

“Bago sana natin pag-usapan na maglaan muli ng pondo, siguraduhin po muna natin na nagamit para sa ating mga kababayan ang pondong para sa kanila,” ani Villanueva.

“Bago sana natin pag-usapan na maglaan muli ng pondo, siguraduhin po muna natin na nagamit para sa ating mga kababayan ang pondong para sa kanila”

“Pero kung kailangang pag-usapan sa Kongreso ang mga gaps sa batas, pabor ako diyan. At kung malaman natin sa talakayan na kailangan ng legislative refill ang pondo laban sa pandemya, gawin na po natin kaagad,” paliwanag ng senador.

 

Aniya, pabor siya sa mungkahing magkaroon ng special session ang Senado upang balangkasin ang Bayanihan 3 dahil sa Mayo 17 pa ang balik-trabaho ng Kongreso.

 

“Sakali pong magpatawag ng special session, handa po tayong sumuporta dito alang-alang sa ating mga manggagawa na walang trabaho at sweldo, sa mga pamilyang walang makain, sa mga taong walang-wala,” ani Villanueva.

 

“Ang epekto po kasi ng ‘no work, no pay’ sa mga pagawaan ay ‘no pay, no eat’ ang ating mga manggagawa. Hinihikayat po natin ang gobyerno na maging listo at alerto sa  pagpapatupad ng mga programang may pondo na sa 2021 National Budget,” dagdag pa niya.

 

“Underspending is fatal. Budgetary savings will not save lives. Gastusin na po ang dapat gastusin para sa mga tamang bagay.”