Bakunang hindi nagamit, wag nang ibiyahe uli Villanueva: Natirang bakuna, gamitin sa ‘next priority groups’

Nananawagan si Sen. Joel Villanueva na magpatupad ang Department of Health (DOH) ng “No Return Policy” sa mga bakunang hindi nagamit at payagan na lamang ang mga local health executives sa mga syudad at probinsya na ibigay ang mga ito sa susunod na priority groups kung tapos na ang healthcare frontliners.

 

Ito ang naging reaksyon ni Sen. Villanueva sa balitang iniutos ng DOH na ibiyahe sa mga lugar na maraming kaso ng COVID-19 ang kalahati sa 30,000 doses ng AstraZeneca vaccines na hindi nagamit para sa mga health workers sa Central Visayas.

 

“Marami tayong isla. Hindi naman tayo isang landmass na pwedeng isakay mo kaagad sa trak. Kung ikakarga ulit sa eroplano, ang laki ng gastos at abala. Kung kulang tayo sa oras, dapat may No Return Policy tayo sa bakuna,” ani Villanueva, chair ng committee on labor, employment and human resources development ng Senado.

 

“Huwag na po natin hayaan mag-round trip ang bakuna. Gastos lang ito at malaking sakit ng ulo.”

“Huwag na po natin hayaan mag-round trip ang bakuna. Gastos lang ito at malaking sakit ng ulo.”

Sa halip na ibiyahe pa, sinabi ng senador na dapat bigyan na lamang ng authorization ng DOH ang mga local health executives na ibigay ang bakuna sa susunod na priority groups na naaayon sa IATF guidelines.

 

“Kung ano man ang matira sa allocation ng bakuna sa isang lugar, sigurado pong may pagbibigyan tayo nito. Basta sundin lang ang priority groups. Nariyan po ang ating mga seniors, lalo na po yung ating mga essential workers sa ganung age group,” giit ni Villanueva.

 

“Kahit saang anggulo mo tingnan, hindi praktikal ang gustong mangyari ng DOH. Magkano ang pagpapadala niyan sa eroplano? Maaaring maganda siya pakinggan pero dahil sa realidad sa ating bansa na isang kapuluan, napakahirap po niyang gawin.”

 

Aniya, priority pa din naman ang pagbibigyan ng bakuna at makakatulong pa din ito sa depensa laban sa COVID-19 virus.

 

“Maiiwasan pa rin naman natin ang mga outbreaks pag nabakunahan ang susunod na priority groups. Yun naman ang mahalaga,” dagdag pa ni Villanueva.