Villanueva: Supilin ang trafficking ng mga OFW sa pamamagitan ng mga kasunduan sa mga host country

Iginiit ni Senator Joel Villanueva ang kahalagahan ng mga kasunduan sa pagitan ng mga bansang kung saan nagtatrabaho ang mga overseas Filipino workers (OFWs) upang maiwasan sila maging biktima ng mga sindikato ng human trafficking.

 

Ani Villanueva, chair ng Senate labor committee, sa bisa ng bilateral agreements, mapapadali ang paghahabol ng ating pamahalaan sa mga third-country recruiters, na nagdedeploy ng mga OFW sa mga delikadong lugar tulad ng Syria, na nasa ilalim ng total deployment ban simula pa noong 2011.

 

“Sa ilalim ng bilateral labor agreements, magkakaroon po ng sapat na proteksyon para sa ating mga kababayan laban sa mga sindikato ng human trafficking,” sinabi ni Villanueva sa pagdinig ng Senate Committee on Women sa mga kaso ng trafficking ng mga Pilipina sa Syria noong Martes.

 

“Ito pong third-country recruitment, na ating unang isiniwalat sa mga nakaraang pagdinig ng labor committee, ay balakid sa ating mga efforts laban sa illegal recruitment at human trafficking,” dagdag pa niya.

 

“Isang paraan po para solusyunan ito at palakasin ang koordinasyon sa mga ahensya ay ang pagbalangkas ng mga bilateral agreement,” aniya.

“Malinaw po na may disconnect na nangyayari kaya po nais natin tugunan ang problemang ito upang wala na pong mabiktimang kababayan natin na ang tanging hangad ay magbigay ng maayos na kinabukasan sa kanilang mga pamilya,”

Ipinunto ni Villanueva ang malagim na kalagayan ng mga Pilipino sa Syria na nabiktima ng mga sindikato ng human trafficking. Ang iba sa kanila ay nasagip na at nasa kustodiya na ng Philippine Embassy sa Damascus. Nalaman rin sa pagdinig ang kalagayan ng isang OFW na nasa piitan ngayon dahil kailangan niyang ma-“buy out” ang kanyang kontrata na nagkakahalaga ng US$5,000.

 

“Kahit na nananaig po ang deployment ban natin, ang pagtrato pa rin ng Syrian government sa ating mga OFW ay mga lehitimong manggagawa na may valid na employment contract at maging residency permit,” ayon kay Villanueva.

 

“Malinaw po na may disconnect na nangyayari kaya po nais natin tugunan ang problemang ito upang wala na pong mabiktimang kababayan natin na ang tanging hangad ay magbigay ng maayos na kinabukasan sa kanilang mga pamilya,” dagdag pa ni Villanueva.

 

Pinuri ni Villaneuva si Chargé d’affaires Vida Soraya Verzosa sa nanguna sa pangangasiwa sa mga biktima ng human trafficking. Sinabi ni Verzosa sa pagdinig na matagal nang itinigil ng embahada ang pag-buy out sa mga kontrata, at sa halip ay nakikipagtulungan sila sa gobyerno ng Syria upang ayusin ang sitwasyon ng mga OFW na nabiktima ng human trafficking.