Villanueva: Gawing available sa buong pribadong sektor ang vaccine procurement, bawal ang exceptions; “Bakuna para sa lahat ang nais nating abutin”
Kinastigo ni Senator Joel Villanueva ang mungkahi na huwag isama ang iilang mga kumpanya mula sa vaccine procurement program ng gobyerno, dahil kung mapapatupad ito, magpapabagal lang lalo ito sa roll out ng bakuna sa buong populasyon.
Tinutukoy ni Villanueva ang Section 5 ng draft administrative order ng Department of Health na umiikot na sa publiko kung saan nakasaad na sisiguraduhin ng kagawaran at ng National Task Force na hindi magiging kabilang sa mga kasunduan sa vaccine procurement ang mga kumpanya sa tobacco industry, mga gumagawa ng produkto sa ilalim ng Executive Order 51, series of 1986 o Milk Code, at iba pang industriya na masasabing “in conflict with public health.”
“Hindi po tugma ang naturang probisyon sa ating layunin na bakunahan ang lahat ng ating mamamayan para makabalik na sa trabaho ang ating mga manggagawa nang walang takot na mahahawa sa sakit. Papaano bibilis ang pagpaparami ng stockpile ng bakuna kung sinasara natin ang pakikipagusap sa iilan?” ani Villanueva. “Dapat available ang bakuna sa lahat ng mamamayan. No exceptions.”
“Sa huling tala noong March 15, 215,997 pa lang ang nabigyan ng first dose mula sa ating 1,125,600 na vaccine stockpile. Kailangan pa pong pabilisin ang rollout ng bakuna, at magagawa natin ito sa tulong ng pribadong sektor,” dagdag pa ng mambabatas.
“Bakit po tila may discriminasyon sa mga industriyang ito? Hindi naman po sila humihingi ng subsidiya. Lehitimong mga negosyo ito na maraming manggagawa. Kung nais nilang bakunahan ang kanilang empleyado ng libre, bakit po natin sila pipigilan? Dapat pong hikayatin pa natin ang ating pribadong sektor na bakunahan ang kanilang mga manggagawa para matutukan na lang ng gobyerno ang pagbabakuna sa mga frontliners, mga essential workers, manggagawa sa pamahalaan at mga guro,” ani Villanueva.
Hindi po tugma ang naturang probisyon sa ating layunin na bakunahan ang lahat ng ating mamamayan para makabalik na sa trabaho ang ating mga manggagawa nang walang takot na mahahawa sa sakit. Papaano bibilis ang pagpaparami ng stockpile ng bakuna kung sinasara natin ang pakikipagusap sa iilan?”
Idiniin ng mambabatas na ang vaccine procurement ng pribadong sektor ay dapat tumalima sa mga kondisyon na nakasaad sa COVID-19 Vaccination Program Act or Republic Act No. 11525, maging ang iba pang mga local at international protocols lalo na sa pagbibigay ng bakuna sa kanilang mga kumpanya.
Dapat rin malinaw na hindi maaaring ibenta ng pribadong sektor ang bakuna, at gagamitin lamang ang kanilang bibilhin para ipamigay sa mga empleyado, aniya.
“Dapat pong payagan ng gobyerno ang pakikipagtulungan sa pribadong sektor ng walang balakid o diskriminasyon,”ayon kay Villanueva.
Umaasa si Villanueva na rerepasuhin ng DOH ang kanilang administrative order at tatanggalin ang anumang probisyon na magpapabagal sa mabilisang rollout ng bakuna.
Ipinunto rin ni Villanueva ang isa pang probisyon sa administrative order na nagtatakda sa digital issuance ng vaccination card. Aniya, daragdag lang ito sa backlog ng gobyerno tulad ng na-antalang pagpapatupad ng contract tracing system.
“Isang taon na po ang nakalipas, ngunit wala pa rin tayong maayos na contact tracing system. Kahit po magandang ideya ito, baka po dumagdag lang sa delay sa vaccination program. Hindi na po natin kayang ma-antala pa,” ani Villanueva.