Villanueva: Gusot sa pag-uwi ng mga Pilipino mula abroad, plantsado na

Ikinalugod ni Senator Joel Villanueva ang pagbawi sa patakaran kamakailan na magbabawal sa pag-uwi ng mga Pilipino mula sa ibang bansa na nagdulot ng aberya sa mga kababayan natin na nais bumalik ng Pilipinas.

 

Nadismaya si Villanueva sa suliranin ng mga kababayan natin na nagbalak umuwi ng Pilipinas, lalo na ang mga pasaherong nakatanggap ng notice mula sa kanilang mga airlines na hindi sila makakasakay bunsod ng naunang anunsyo ng gobyerno na nagbabawal sa mga returning overseas Filipinos “who are not OFWs.”

 

Matatandaang binawi itong anunsyo ngayong Biyernes ng umaga matapos ang kastiguhin ni Villanueva at ng iba pang opisyal sa pagdinig ng Senate labor committee noong Huwebes.

 

Ani Vilanueva, “Nagpapasalamat po tayo sa IATF na pinakinggan ang ating mga punto na binanggit sa pagdinig ng Senate labor committee. Panalo ito ng ating mga kababayan dahil lahat ng nais umuwi mula sa ibayong-dagat ay papayagan na. Wala nang pagbabawal.”

 

“Tulad po ng sinabi natin, nagdudulot ng kalituhan ang naunang polisiya. Kung hindi po umalma at nag-ingay ang ating mga kababayan, hindi lumabas ang amendatory order,” dagdag ng mambabatas.

“Nagpapasalamat po tayo sa IATF na pinakinggan ang ating mga punto na binanggit sa pagdinig ng Senate labor committee. Panalo ito ng ating mga kababayan dahil lahat ng nais umuwi mula sa ibayong-dagat ay papayagan na. Wala nang pagbabawal.”

Muling umapela si Villanueva sa mga nagtatalaga ng polisiya na isaalang-alang ang magiging epekto ng mga ito sa buhay ng mga kababayan natin, lalo na sa mga Pilipinong nasa ibang bansa.

 

“Ngayong pandemya, nag-iingat ang ating mga kababayan sa mga unnecessary na gastos. Ang hirap kumita ngayon, at ang mga abala na ganito ay masakit sa bulsa. Magastos mag-rebook ng byahe, dagdag gastos pa ang mga adjustment sa travel plans.

 

Sa panayam niya sa CNN Philippines nitong Biyernes, inilarawan ni Villanueva ang insidenteng it bilang isang halimbawa ng “flip-flopping” policies ng gobyerno na nagdudulot ng kalituhan sa mga Pilipino.

 

“Kahit na masaya tayo na inayos po nila 'yan, ang punto po natin ay ang pabagu-bagong polisiya ng ating pamahalaan ay patuloy na makakaapekto sa ating lahat, lalo na sa ating mga kababayan at ang ating ekonomiya,” ani Villanueva. “Hindi po dapat magpatuloy ito.”