Villanueva, umaapela sa gobyerno na huwag ipagbawal ang mga pauwing OFWs; ‘Obligasyon nating tulungan silang mga bagong bayani’
Hinikayat ni Senador Joel Villanueva ang gobyerno na huwag ipagbawal ang mga papauwing mga Pilipino mula sa labas ng bansa, dahil unti-unting nauubos ang kanilang naitabing savings para sa kanilang pamilya habang sila ay stranded sa ibayong-dagat.
Ani Villanueva na chairman ng Senate labor committee, “Bawat Pilipinong nawalan ng trabaho, na unti-unting nauubos ang kanilang sahod at savings, at huling nakapiling ang kanilang pamilya sa matagal na panahon ay masasabi nating nasa distress o kagipitan. Huwag po natin antaying magkalkal sila ng mga basura para makakain o mamalimos sa tabi-tabi.”
“Kailangan po silang mapauwi dahil ang ating mga overseas office—na undermanned at underfunded na—ay dinadagsa ng lumalaking bilang ng stranded na OFWs. “Huwag na po natin paramihin ang OFWs - Overseas Filipinos Waiting for a flight home. Kung ano man ang naipundar o naitabi nilang pera, unti-unti itong maglalaho sa bawat minutong hindi sila makauwi ng Pilipinas,” dagdag ni Villanueva.
Ipagpapatuloy ng Senate labor committee ngayong umaga ang pagdinig sa pagbubuo ng Department of Overseas Filipinos, na siyang tutugon sa mga pangangailangan ng mga OFWs at migrant Filipinos sa iba’t ibang dako ng daigdig.
"Bawat Pilipinong nawalan ng trabaho, na unti-unting nauubos ang kanilang sahod at savings, at huling nakapiling ang kanilang pamilya sa matagal na panahon ay masasabi nating nasa distress o kagipitan. Huwag po natin antaying magkalkal sila ng mga basura para makakain o mamalimos sa tabi-tabi.”
Iginiit ni Villanueva ang kahalagahan ng pagsunod sa mga quarantine protocol upang siguruhin na walang COVID-positive na indibidwal na makakalusot at makakahawa sa kanilang mga hometown. Ipinunto rin ng senador na dapat ipagpatuloy ang maayos na contact tracing upang matukoy ang mga contacts na nagkaroon ng exposure sa mga COVID patients.
“Nauunawaan natin ang panganib at hawaan na dulot ng COVID, ngunit sa tingin natin, hindi po tamang solusyon dito ang pagbabawal sa mga Pilipinong nasa ibayong-dagat na makauwi sa kanilang mga pamilya. Kailangan lang po natin ipatupad ang mga tried-and-tested na mga hakbang: mahigpit na quarantine requirement, epektibong contact tracing, at mabilis na roll-out ng bakuna,” dagdag pa niya.
Ayon kay Villanueva, nagkaroon ng magandang resulta ang IATF memorandum, na ipinalabas noong Martes, dahil naglatag ito ng mga exemption sa panuntunan, ngunit hinimok ng mamambatas na patuloy pang gumawa ng paraan para maibsan ang kalagayan ng mga OFWs.
Kabilang sa mga exemption na nakasaad sa IATF memorandum ang mga may hawak ng 9C visa o Seaman’s visa, mga medical repatriate at kanilang mga escort, mga distressed returning overseas Filipinos, at mga emergency, humanitarian, at katulad na mga kaso na aaprubahan ng IATF.