Villanueva: Panatilihin ang trabaho sa pamamagitan ng surveillance testing

Giniit ni Senator Joel Villanueva ang kahalagahan ng surveillance testing upang mapanatili ang trabaho habang pataas ang bilang ng mga bagong kaso ng COVID-19.

 

Ayon kay Villanueva, mas mabilis malalaman kung saan nanggagaling ang hawaan at pigilan itong iuwi ng mga manggagawa sa kani-kanilang mga tahanan kung regular na ginagawa ang random testing sa mga lugar paggawa.

 

Idiniin ni Villanueva, chairman ng Senate labor committee, na isang mahalagang elemento ang random testing sa mga lugar-paggawa sa pagpapabagal ng pagkalat ng COVID-19 sa iba’t ibang mga lugar. Noong Marso 15, naitala ng ng Department of Health ang 5,408 na bagong kaso, antas na huling nakita noong kasagsagan ng mga kaso noong Agosto 2020.

 

“Ang pinakamahalagang occupational safety and health program na dapat ipatupad, maliban sa vaccination, ay ang workplace testing. Istrikto tayo sa helmet at protective gear ng mga rider ng motor, ngunit pag dating sa testing sa mga lugar-paggawa, hindi lang lax, kapos pa?” ayon kay Villanueva. “Maiiwasan po natin magpatupad ng mga lockdown kung maayos po ang disease surveillance. Dapat last resort ang pag-implement ng mga lockdown.”

“Maiiwasan po natin magpatupad ng mga lockdown kung maayos po ang disease surveillance. Dapat last resort ang pag-implement ng mga lockdown.”

“Matutulungan po ang surveillance monitoring ng gobyerno kung tuloy-tuloy ang regular, random testing. Makakaasa po tayo sa mga datos na ito upang makagawa ng mas magandang mga desisyon sa pagpapatupad ng granulated lockdowns sa halip ng pagsasara ng malalaking bahagi ng ating bansa,”dagdag pa ng mambabatas. 

 

Matagal nang isinusulong ni Villanueva ang regular, random testing sa mga lugar-paggawa dahil ang mga result anito ay makakatulong sa pagbalangkas ng polisya ng IATF.

 

Ikinadismaya ni Villanueva ang tila pabagu-bagong polisiya pagdating sa pandemya dahil pinapalala nito ang epekto ng COVID-19 sa ekonomiya at sa buhay ng ating mamamayan.

 

“With flipflopping policies, apektado po ang ating labor sector, ang ating industriya, ang ating mga kumpanya. One plus one po yan. Muli po nating pinapaalala sa ating pamahalaan, let us get our acts together. Kailangan po natin maging seryoso sa ating mga pinatutupad na polisiya,” aniya.

 

Umabot na sa 10.3 percent ang unemployment rate noong 2020, o katubas ng 4.5 milyong manggagawa ang nawalan ng trabaho, habang 16.2 percent o 6.2 milyong manggagawa ang underemployed, ayon sa huling tala ng Phlippine Statistics Authority.