Villanueva: Pagbaba sa optional retirement age para sa kawani ng gobyerno, hindi magreresulta sa staffing shortage

Magbubukas ng maraming oportunidad para sa susunod na henerasyon ng mga civil servant ang pag-adjust sa optional retirement age ng mga kawani ng pamahalaan, ayon kay Senator Joel Villanueva.

 

Tinanong ni Villanueva ang mga resource person noon Huwebes sa pagdinig ng Senate civil service committee kung magkakaroon ng staffing shortage sakaling pumasa ang iba’t ibang mga panukalang may layunin na ibaba ang optional retirement age.

 

“Good news po na kahit ibaba natin ang retirement age, hindi po magkakaroon ng staffing shortage sa mga ahensya ng gobyerno,” ani Villanueva matapos ang tugon ni Civil Service Commissioner Aileen Lizada na nagpaliwanag na mataas ang demand sa mga manggagawa sa pamahalaan.

 

Binanggit ni Lizada na sa isang pagkakataon, dinagsa ng 200 na aplikante ang isang bakanteng posisyon na binuksan ng CSC, na nagpapatunay na marami ang naghahanap ng trabaho sa gobyerno.

 

Sa kabilang dako, hiningi ni Villanueva mula sa mga kinatawan ng Government Service Insurance System (GSIS) ang mga karaniwang dahilan ng mga kawani ng pamahalaan kung bakit nananatili sila sa serbisyo hanggang umabot sa mandatory retirement age na 65.

 

Sagot ng mga taga-GSIS, umaabot kadalasan ang mga manggagawa sa mandatory retirement age dahil kailangan nilang makabuo ng 15 na taong serbisyo upang maging eligible sa pension; kailangan pa nila ng sweldo para sa kanilang pang araw-araw at makabayad sa utang, at nais pa nilang magtrabaho.

“Good news po na kahit ibaba natin ang retirement age, hindi po magkakaroon ng staffing shortage sa mga ahensya ng gobyerno”

Giniit ni Villanueva na tungkulin ng gobyerno na magbalangkas ng mga social security programs para sa mga nakatatanda tulad ng mga nasa civil service.

 

“Kailangan po talaga natin pag-aralan kung paano natin gagawin ang optional retirement bilang isang reliable option para sa kanila,” ani Villanueva.

 

Inihain ni Villanueva ang Senate Bill No. 715 na nagbababa sa optional retirement ng mga guro mula 60 hanggang 55 na taon. Binanggit niya ang isang pag-aaral kung saan ipinakita na karaniwang nagreretiro ang mga gurong Pilipino sa edad 65 habang ang kanilang mga kapwa guro sa karamihan ng bansa sa ASEAN ay nagreretire sa edad 60.

 

“Bigyan din naman po natin ng pagkakataon ang ating mga guro na ma-enjoy ang kanilang retirement while they are still healthy, agile, and strong,” ani Villanueva.