Villanueva sa PSA: Linawin sa lahat ng ahensya ng gobyerno ang lifetime validity ng birth certificates

Hiniling ni Senator Joel Villanueva sa Philippine Statistics Authority (PSA) na linawin sa mga kapwa nito ahensya ng gobyerno ang lifetime validity ng mga birth certificate, at alisin na ang pangangailangan sa mga aplikante na kumuha ng dokumentong ito na inisyu sa nakalipas na anim na buwan.

 

Dagdag pasanin ito sa mga Pilipino, partikular sa mga naghahanap ng trabaho dahil gastos lang ito, ani Villanueva. Kung tutuusin, madali lang ang solusyon nito dahil kailangan lang kilalanin ng mga ahensya ng pamahalaan na panghabangbuhay ang validity ng birth certificate, ayon sa mababatas.

 

“Napakalinaw po na pang-habangbuhay ang validity ng birth certificate. Hindi po ito de lata na may ‘best before’ na marka o expiration. Para pong pinagkakakitaan natin ang ating kababayan tuwing nagsusumite sila ng birth certificate para sa iba’t ibang requirement ng mga ahensya ng gobyerno,” ani Villanueva sa isang pahayag.

 

Sa pagdinig ng Senate civil service committee noong Huwebes, tinanong ni Villanueva ang mga opisyal ng PSA sa mga nagawa nito upang maunawaan ng ibang ahensya ang lifetime validity ng birth certificate.

 

Tumugon ang kinatawan ng PSA na si deputy national statistician Leo Malagar na pinapalitan ng kanilang ahensya ang security paper kung saan naka-print ang birth certificate bawat anim na buwan. Ngunit, aniya, hindi nito nagkakahulugan na nag-eexpire ang naturang dokumento.

“Napakalinaw po na pang-habangbuhay ang validity ng birth certificate. Hindi po ito de lata na may ‘best before’ na marka o expiration. Para pong pinagkakakitaan natin ang ating kababayan tuwing nagsusumite sila ng birth certificate para sa iba’t ibang requirement ng mga ahensya ng gobyerno”

“Kailangan po ng mas malinaw at mas maayos na polisiya ang ating mga ahensya pag dating sa validity ng birth certificate, kasi po aanhin ng ating mga kababayan ang kanilang birth certificate kung hindi naman tinatanggap ng ibang ahensya ng pamahalaan?” giit ni Villanueva. 

 

“Kailangan pong mag-coordinate ng maayos ang PSA sa mga ahensya ng pamahalaan upang maitama natin ang maling interpretasyon at pagkakalito. Nasa lugar ang PSA upang may gawin na hakbang tungkol dito,” aniya. “Malinaw rin na kailangan po talaga natin ipasa ang panukalang ito.

 

”Inihain ni Villanueva ang Senate Bill No. 1281, na tinalakay noong pagdinig. Layunin nito na ipagbawal ang pag-require sa mga aplikante sa serbisyo ng gobyerno na mag-sumite ng birth certificate na na-issue gamit ang pinakabagong security paper sa loob ng anim na buwan.

 

Isang beses lang po tayo ipinapanganak, at ang kalagayan at detalye ng ating pagkapanganak ay hindi kailanman magbabago,” ayon kay Villanueva.