Villanueva: Pag-arangkada ng vaccine roll-out, susi sa panunumbalik ng trabaho at sigla ng ekonomiya
Hinikayat ni Senator Joel Villanueva ang gobyerno na pabilisin pa ang programa sa pagbabakuna laban sa COVID-19 upang maabot ang target na bilang ng benepisyaryo at masimulan nang luwagan ang mga restrictions sa paggalaw na nakakaapekto sa mga manggagawa at sa ating ekonomiya.
Sa kasalukuyang takbo ng pagbibigay ng bakuna na 3,887 vaccine doses bawat araw, hindi matutupad ng gobyerno ang pangako ng Pangulo na ibabalik ang normal na buhay sa 2023, ayon kay Villanueva
“Kailangan po nating mapabilis pa ang roll out ng bakuna dahil dito po nakasalalay ang pagbangon ng ating ekonomiya at panunumbalik ng mga trabahong nawala dahil sa pandemya. Kung magpapatuloy sa ganito ang takbo ng roll out ng bakuna, aabot po sa 44 na taon bago natin matupad ang 50 hanggang 70 milyon na target nating mabakunahan,” ani Villanueva, chair ng Senate labor committee.
Naka-angkla ang pagpapabilis ng roll out ng pagbabakuna sa limang mahahalagang aspeto, ayon kay Villanueva. Ito ay ang mga sumusunod: supply, personnel, listahan, impormasyon, at tiwala, paliwanag ng mambabatas.
Magagamit ng gobyerno ang mga probisyong sa ilalim ng kakapasang COVID-19 vaccination program act na nag-alis sa mga balakid sa pagbili ng bakuna, kasama na rin ang pagtanggal sa pagbabawal sa mga local government units na magbayad ng advance para sa mga vaccine doses, aniya.
“Kailangan po nating mapabilis pa ang roll out ng bakuna dahil dito po nakasalalay ang pagbangon ng ating ekonomiya at panunumbalik ng mga trabahong nawala dahil sa pandemya. Kung magpapatuloy sa ganito ang takbo ng roll out ng bakuna, aabot po sa 44 na taon bago natin matupad ang 50 hanggang 70 milyon na target nating mabakunahan”
Iginiit ni Villanueva ang kanyang panawagan sa gobyerno, partikular sa IATF, na siguruhing may malinaw na human resource plan na nakalatag na magsisilbing garantiya na may sapat na mga qualified personnel na magbabakuna sa mga mamamayan.
Tinanong rin niya ang IATF kung nabuo na nila ang database ng priority groups, na hiniling niya noong Enero sa pagdinig ng Senate Committee of the Whole tungkol sa vaccination program ng pamahalaan.
"Habang inaantay pa po natin na makarating ang supply, dapat pong malinaw na kung sino-sino ang mabibigyan ng bakuna para maiwasan po natin ang delays sa roll out," anni Villanueva.
Dagdag pa ng mambabatas ang kahalagahan ng pagsasagawa ng gobyerno ng information drive upang itaas ang kumpyansa ng mga mamamayan sa bakuna, matapos malaman sa isang nakaraang survey 47% ng mga Pilipino ang tatanggi magpabakuna dahil may isyu sa safety.
"Makipaghiwalay na po tayo kay COVID. Ayaw na po natin ng isa pang anniversary, kaya ang panawagan natin ay pabilisin pa ang roll out ng bakuna sa ating mga medical frontliners, at mga essential workers, na susi sa muling pagbabalik ng trabaho at pagbangon ng ekonomiya," ayon kay Villanueva.