Villanueva, ikinadismaya ang peligrong inabot ng mga manggagawa, sibilyan sa bakbakan ng PNP-PDEA sa Commonwealth
Kinuwestyon ni Senator Joel Villanueva ang pagpapasya ng mga awtoridad na sangkot sa nabigong buy-bust operation noong Miyerkules na naglagay sa peligro sa mga manggagawa ng fast-food chain, inosenteng bystanders at tumatangkilik, maging ang mga delivery personnel matapos magbarilan ang mga pulis at narcotics agents sa isa’t isa.
Ayon kay Villanueva, chairman ng Senate labor committee, sinusuportahan niya ang pagdinig ng Senado sa operasyon ng pulis at ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) dahil nais niyang matukoy ang anumang pagkukulang ng mga awtoridad upang hindi na maulit ang insidente na naglagay sa panganib ng inosenteng mamamayan
“Hindi po natin basta-basta maaaring ipagkibit-balikat ang insidenteng ito dahil tila may naging kapabayaan sa ating mga law enforcement agencies. Karamihan po sa mga naipit sa gitna ng putukan ay mga ordinaryong manggagawa na nagsusumikap sa hirap ng ating buhay ngayong may pandemya,” ani Villanueva sa isang pahayag.
Umabot sa isang oras ang palitan ng putok sa pagitan ng pulis at ahente ng PDEA sa kahabaan ng Commonwealth Avenue, na nagdulot ng takot sa mga crew ng isang fast-food chain at mga taong nasa loob ng tindahan, maging ang mga delivery rider na nag-aantay ng order sa labas ng establisyemento.
“Hindi po natin basta-basta maaaring ipagkibit-balikat ang insidenteng ito dahil tila may naging kapabayaan sa ating mga law enforcement agencies. Karamihan po sa mga naipit sa gitna ng putukan ay mga ordinaryong manggagawa na nagsusumikap sa hirap ng ating buhay ngayong may pandemya,”
Tinukoy ni Villanueva ang isang viral video clip kung saan ipinakita ang dalawang pulis na nakatutok ang kanilang baril sa mga sibilyang nagtatago sa isang stock. Binubulyawan ng mga pulis ang mga sibilyan, at may isang buntis sa grupo ang humingi ng tubig at nagmaka-awa sa takot na duguin siya.
“Isipin po natin kung isa tayo sa mga nasa silid na iyon. Pumasok ka lang sa trabaho o kaya naman ay pumunta ka lang doon para bumili ng burger para sa anak mo, tapos biglang ganoon ang mangyayari. Kinabukasan, malalaman mo na may nagkalituhan lang pala sa gobyerno. Ano, sorry na lang po ba yon sa abala?” ayon sa senador.
“Tinatrabaho po natin dito ang paggawa ng mga batas para protektahan ang ating mga manggagawa, kaya po nakakapanlumo na makakita ng mga crew at sibilyan na tinututukan ng baril at sinisigawan ng mga taong dapat ay kasangga natin sa pagprotekta sa kanila,” dagdag pa niya.
Sa tulong ng pagdinig sa Martes, tutukuyin nito ang timeline ng mga pangyayari upang malaman kung saan nagkaroon ng problema at anong mga hakbang ang dapat gawin upang hindi na maulit ang insidente.
“Mayroon po tayong mga dating hepe ng PNP sa Senado na bubusisi sa aspeto ng law enforcement operation upang matukoy ang mga pagkakamali. Para po sa atin, mahalaga ang kapakanan ng ating ordinaryong mamamayan dahil hindi po dapat malagay sa alanganin ang buhay ng sibilyan tuwing mayroong lehitimong operasyon ang ating mga awtoridad,” ani Villanueva.
Dagdag pa ni Villanueva na maging ang mga rider na naipit sa shootout ay pansamantalang nawalan ng hanapbuhay dahil napwersahan silang iwanan ang kanilang mga motor sa crime scene. Pinayagan lang silang kuhanin ang mga ito noong Biyernes ng umaga.
“Iyong maipit sa pagpoproseso ng crime scene ang pinagkukunan ng hanapbuhay ng ating mga rider ay isang krimen na rin kung tutuusin,” ani Villanueva.