Villanueva: Itaguyod ang National Emergency Medical Service gamit ang 5,000 nars sa hanay ng BFP

Higit sa limang libong bumbero sa buong bansa ay mga gradweyt ng nursing, na masasabing “malaking professional pool na magagamit bilang backbone ng isang National Emergency Medical Services (EMS) na wala pa rin sa ating bansa,” ayon kay Senator Joel Villanueva.

 

Sa kanyang interpellation sa Senate plenary noong Lunes, binanggit ni Villanueva ang napakalaking bilang ng tauhan ng Bureau of Fire Protection (BFP) na mayroong medical background, at isinulong ang pagtatatag ng isang national EMS, sa pamamagitan ng mga ito.

 

Mula sa 27,968 BFP personnel, 5,380 ang mayroong degree sa health sciences at 5,034 dito ay mga nagsi-pagtapos ng kursong nursing, ayon sa dokumento ng BFP na binanggit ni Villanueva.

 

“Mayroon po sa hanay ng BFP na 79 graduates ng Radiologic Technology, 62 ang physical therapists, 56 na nagtapos ng Medical Technology, 42 ang pharmacists, 39 ang mga dentista, habang ang natitira ay mga graduates ng Nutrition, Midwifery, and Medical Laboratory Science,” ani Villanueva, chair ng Senate labor committee.

 

Mayroon ring 238 BFP officers na may dual health-related degrees, tulad ng mga 12 doktor sa kanilang hanay, at 200 na may master’s degrees. May 10 nars sa BFP na mayroong specialized training sa surgical nursing,” ayon kay Villanueva.

 

Dagdag pa ng mambabatas, ang mga nars sa hanay ng BFP ay halos katumbas na ng bilang ng mga nars na kinuha ng mga local governments noong 2019 na umabot sa 5,975.

 

“If one in six of fire officers today are graduates of health courses, shouldn’t we be exploring if this rich potential can be tapped for the public good?” tanong ni Villanueva kay Senator Ronald de la Rosa, na nagsusulong ng panukalang BFP Modernation Act.  

 

Bahagi ng panukalang BFP Modernization ang emergency medical services, ngunit nais ni Villanueva na “palawigin pa ito at siguruhin na may sapat na pondo bilang isa sa mahahalagang tungkulin ng BFP kasabay ng pagpigil sa mga sunog.”

“If one in six of fire officers today are graduates of health courses, shouldn’t we be exploring if this rich potential can be tapped for the public good?”

“Dito po sa atin wala namang lead national agency na kung merong aksidente sa kalsada o malaking sakuna sa pabrika ay siyang nagreresponde. Wala pa pong ambulance service na isang tawag lang ay nandyan na agad-agad,” aniya.

 

Diin pa ni Villanueva ang kahalagahan ng EMS, kung titingnan ang bilang ng mga aksidente sa kalsada taon-taon. “Mahigit 10,000 mamamayan ang namamatay po sa mga road accidents, at kung na-trap ang mga biktma sa nayuping bakal, tila aasa na lang po tayo na sana may sapat na equipment ang magreresponde sa disgrasya,” ayon sa senador.

 

Tinanong ni Villanueva si Dela Rosa kung gaano karaming “jaws of life”—ang hydraulic rescue apparatus na ginagamit sa mga wreckage ng sasakyan—mayroon ang BFP. “46 sa kasalukuyan,” ang tugon ni Dela Rosa.

 

Giit pa ni Villanueva na mas lalo dapat bigyan ng prayoridad ang EMS vehicles sap ag-modernize ng BFP equipment. Inilahad rin ng senador na mayroon lamang 122 na ambulansya ang BFP. “Kung ikakalat po sa lahat ng lungsod at munisipyo iyan, wala pa po sa 10 porsyento ang mabibigyan,” ayon sa kanya. 

 

Plano ni Villanueva na maghain ng amyenda sa panukalang BFP modernization na “magpapalawig at magpapaliwanag” sa kahalagahan ng EMS sa BFP organization. 

 

“Panahon na magkaroon ng National EMS. Nandyan na ang panimulang manpower base sa BFP. Magagaling at magigiting ang ating mga bumbero. Hindi lang kayang pumatay ng sunog kaya din magligtas ng buhay,” ayon sa mambabatas.