Villanueva: Senate labor committee, itutuloy na ang mga hearing sa pagtatatag ng departamento para sa mga OFW

Nagbigay na ng clearance ang Senate Committee on Rules sa mga iba’t ibang kumite ng Senado na dinggin ang mga panukalang pagtatatag ng mga panibagong departamento sa pamahalaan, kabilang ang Department of Filipinos Overseas, ayon kay Senador Joel Villanueva.

 

Ayon kay Villanueva, nagpasya ang Committee on Rules na ipagpatuloy ang mga pagdinig ng mga kumite sa mga panukalang magtataguyod ng bagong mga kagawaran, kasabay ng panukalang rightsizing ng gobyerno.

 

“Magandang balita po ito mula sa ating Committee on Rules. Agad po nating ipagpapatuloy ang mga committee hearings sa mga panukalang magtataguyod ng departamento para sa ating mga OFWs. Lumitaw po ngayong panahon ng pandemya ang kahinaan ng ating mga polisiya sa OFW, particular ang mga reintegration program para matulungan silang makapasok muli sa local labor force,” ani Villanueva, chairman ng Senate labor committee.

 

“Sinusuportahan natin ang mga prinsipyo ng rightsizing dahil matagal na po natin isinusulong ang isyo ng mga unfilled positions at contractuals sa gobyerno. Gagawin po natin ang ating makakayanan para talakayin ang lahat ng mga usapin at pakinggan ang lahat ng panig sa Committee on Labor,” dagdag pa ng mambabatas sa pagdinig kahapon ng umaga. “Maaari pong ito maging modelo ng rightsizing done right.”

 

Dapat makatulong ang panukalang Department of Filipinos Overseas sa pagpapabuti ng kapakanan ng mga OFW at kanilang pamilya, at makapagbigay ng dekalidad na trabaho dito man o sa ibang bansa, paliwanag ni Villanueva sa isang pahayag.

“Sinusuportahan natin ang mga prinsipyo ng rightsizing dahil matagal na po natin isinusulong ang isyo ng mga unfilled positions at contractuals sa gobyerno. Gagawin po natin ang ating makakayanan para talakayin ang lahat ng mga usapin at pakinggan ang lahat ng panig sa Committee on Labor,”

“Hindi lang po ito simpleng lipat-bahay na gawain dahil kailangan po natin itatag ang departamento na may malinaw na mandato at maglatag ng solusyon, hindi lamang sa mga isyu ng ating mga OFW, kundi sa pagsiguradong hindi kapit-sa-patalim ang paninilbihan sa ibang bansa,” aniya.

 

Pinasalamatan ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri si Villanueva sa patuloy niyang pagsulong sa usapin para sa kapakanan ng mga OFW. “Senator Villanueva has found ways and means to push this discussion forward,” ani Zubiri sa pagdinig.

 

Para naman kay Senate Minority Leader Franklin Drilon, patunay ang dedikasyon ni Villanueva sa kapakanan ng labor sector, kasama ang ating mga OFW sa pagsulong ng Senate labor committee chair ng usapin sa departamento para sa OFWs.  

 

“So I have full confidence in the judgment of the good chair of the Committee on Labor, that he can influence the thinking of the committee to come up with the most rational solution to a very vexing issue of a bureaucracy, of rationalizing our bureaucracy versus the prioritization that we ought to have in lieu of the pandemic and the acute economic situation that we are in today,” ani Drilon.

 

Sinabi ni Villanueva na bubusisiin niya ang kakayahan ng itatatag na kagawaran na ayusin ang mga frontline services sa mga OFWs tulad ng distress at repatriation efforts; upskilling at reskilling programs; pagpapalakas ng kampanya laban sa illegal recruitment, at pagtatayo ng komprehensibong reintegration program para matulungan makabalik ang mga OFW sa local labor force.