Villanueva: Isama sa prayoridad ng vaccination program ang mga essential workers tulad ng delivery riders, tindero sa palengke, construction workers, atbp.

Iginiit ni Senator Joel Villanueva ang kahalagahan na isama ang mga manggagawa sa vaccination program ng gobyerno, lalo na ang mga minimum wage earners, na nagbibigay ng mga essential services sa mga mamamayan. 

 

Ayon kay Villanueva, na chairman ng Senate labor committee, nais niyang busisiin ang plano ng gobyerno sa pag-roll out ng bakuna para sa COVID-19 Lunes ng umaga sa pagpulong ng Senate Committee of the Whole para talakayin ang nasabing programa. Inaasahang dadalo ang mga opisyal mula sa Inter-Agency Task Force na nangangasiwa sa pag-responde sa pandemya, maging ang pamunuan ng Department of Health.

 

“Dapat po nating masiguro na kabilang sa bibigyang prayoridad ng gobyerno sa bakuna ay ang mga manggagawa sa services industry, kasama na rin ang mga naunang anunsyo na uunahing bigyan ng bakuna ang mga healthcare workers, ang pulis at militar, maging ang mga nakatatanda,” ani Villanueva sa isang pahayag.

 

“Nais po natin na makasama ang mga manggagawa tulad ng construction workers sa mga pribado at pampublikong proyekto, mga tindero sa palengke at supermarket, mga delivery rider, security guards, at maging ang mga nasa food retail and distribution networks. Sila po ang tumutulong sa patuloy na pagtakbo ng ating ekonomiya. Dapat kabilang po sila sa prayoridad natin,” dagdag pa ng mambabatas.

“Dapat po nating masiguro na kabilang sa bibigyang prayoridad ng gobyerno sa bakuna ay ang mga manggagawa sa services industry, kasama na rin ang mga naunang anunsyo na uunahing bigyan ng bakuna ang mga healthcare workers, ang pulis at militar, maging ang mga nakatatanda,”

Karaniwang nagtatrabaho ang mga minimum wage earners na nabanggit sa mga high-risk na lugar-paggawa tulad ng mga construction sites, pabrika, palengke at grocery, at iba pang lugar, at madalas nakadepende ang mga ito sa pampublikong transportasyon para pumasok sa trabaho, paliwanag ni Villanueva. Mahalaga na isama sila sa listahan ng prayoridad dahil nakatuon sila sa kita para sa mga pang araw-araw na pangangailangan ng kani-kanilang mga pamilya, dagdag pa ng mambabatas.

 

Inihain ni Villanueva kamakailan ang Senate Resolution No. 598 upang busisiin ang vaccination program ng gobyerno at pag-aralan kung paano maipapabilang ang mga manggagawa sa pagbabahagi ng unang batch ng bakuna. Matatandaang inanunsyo ng pamahalaan na tinatayang 70% ng kabuuang populasyon ang nais mabakunahan sa loob ng susunod na tatlo hanggang limang taon.

 

“Sinisuguro po ng ating mga tindero na may pagkain at basic goods tayong mabibili sa mga tindahan. Ang mga tagapaglinis at taga-kolekta ng basura naman po ang nagpapanatili ng kalinisan ng ating mga pamayanan. Binabantayan po ng mga security guards ang ating mga gusali, habang ang ating mga delivery rider ay naghahatid ng mga pinamimili sa mga bahay-bahay. Tama lang po na kabilang sila sa vaccination program dahil mahalaga ang kanilang ambag sa ating lipunan at ekonomiya,” ani Villanueva.

 

Aabot sa 57.2% (22.76 milyon) ng tinatayang 39.8 milyong manggagawang kasalukuyang may trabaho ay mula sa services sector, ayon sa pinakahuling Labor Force Survey na ipinalabas noong Oktubre 2020. Tinatayang nasa 3.97 milyon naman ang mga manggagawa sa sektor ng construction, ayon sa pag-aaral.

 

Ayon sa pagtaya ng Department of Finance, aabot sa 29% ng mga pasahuring manggagawa o 7.2 milyon ay tumatanggap ng minimum wage.

 

“Ang malinaw na plano ang pagpapatupad ng vaccination program sa mga manggagawa ay susi po sa pagbabalik ng kumpyansa ng ating mga manggagawa, at maging ang mga mamumuhunan,” giit ni Villanueva.