Villanueva, hiniling sa IATF na simulan na ang pagbabalangkas ng panuntunan para sa priority list ng COVID-19 vaccination program

Hiniling ni Senator Joel Villanueva sa Inter-Agency Task Force na simulan na ang pagbalangkas ng listahan ng benepisyaryo para sa COVID-19 vaccination program upang makasigurong hindi magkakaroon ng overlap sa pagbabahagi ng bakuna.

 

Ayon kay Villanueva, chairman ng Senate labor committee, kailangan ng malinaw na targeting ng mga benepisyaryo dahil maaaring maging bahagi ang isang tao sa higit sa dalawang kategorya na itinakda ng IATF sa kanilang priority list. 

 

“Dapat po sinisimulan na ang pagbabalangkas ng mga panuntunan ang IATF habang nakikipagpulong pa sila sa mga pharmaceutical firms na nais mag-supply ng bakuna. Hindi po pwedeng magkadoble-doble ang pamimigay ng libreng bakunda dahil limitado lang ang supply. Ganito pa lang kaaga, dapat po asahan na natin ang mga problema na maaaring mangyari sa roll out ng bakuna,” ani Villanueva sa isang pahayag.

 

Ikinalugod ni Villanueva ang pagtanggap ng IATF sa kanyang mungkahi na palawigin ang priority list ng mga babakunahan upang makabilang ang mga essential workers tulad ng mga tsuper, tindero sa palengke at supermarket, manggagawa sa food manufacturing at retail tulad ng mga restaurants, basurero at street sweeper, mga delivery rider, logistics personnel, at iba pang mga establisyemento. Aniya, ang mga manggagawang ito ay ang susi sa pagpapatuloy ng pagbangon ng ekonomiya ng bansa.

“Hindi po pwedeng magka-doble-doble sa ating priority list. Dahil sa limitadong supply ng bakuna, dapat siguradong mapupunta ang bawat turok sa tamang benepisyaryo,”

Sa naunang priority list ng IATF, ang mga sumusunod ang kabilang sa mga unang mabibigyan ng bakuna laban sa COVID-19: frontline health workers (1.76 milyon), indigent senior citizens (3.78 milyon), remaining senior citizens (5.67 milyon), remaining indigent Filipinos (12.9 milyon), at mga pulis, militar, at iba pang mga kawal (tinatayang nasa 525,523). Aabot ang kabuuang bilang ng mga ito sa 24.6 milyon.

 

Sa pagdinig ng Senado noon Lunes, binanggit ni vaccine czar Carlito Galvez Jr. na pinalawig na ang priority list at tinatayang 35 milyon na ang target beneficiaries ng vaccination program.

 

Ipinaliwanag ni Villanueva na kailangan ng IATF na tukuyin ang karagdagang 10.4 milyon na indibidwal, dahil kung titingnan ang huling survey ng Philippine Statistics Authority (PDA) noong Oktubre 2020, 25% o tinatayang 10 milyon ng kabuuang 39.8 milyon employed na manggagawa sa bansa ay nasa tinatawag na “elementary occupation.” Kabilang sa elementary occupation ay ang tinatawag na unskilled labor tulad ng mga “street vendors, cleaners, domestic helpers at farm hands,” ayon sa paglalarawan ng PSA.

 

Samantala, tinatayang nasa pitong milyong manggagawa naman ang nasa sales o service occupations, ayon sa PSA data.

 

“Hindi po pwedeng magka-doble-doble sa ating priority list. Dahil sa limitadong supply ng bakuna, dapat siguradong mapupunta ang bawat turok sa tamang benepisyaryo,” ani Villanueva. “Bagama’t humupa ang unemployment noong Oktubre, dapat po nating maunawaan rin na tumigil maghanap ng trabaho ang mga manggagawa dahil sa pangamba na mahawa sa COVID-19, kasabay ng pagiging diskumpyado ng mga negosyante.”

 

“Nakasalalay po sa vaccination program ang muling pagbuhay ng ating ekonomiya. Hindi po tayo maaaring pumalpak rito,” dagdag pa ng mambabatas.