Estado ng COVID-19 Vaccination Program ng gobyerno: Nasaan na po ba tayo?
Isang ligtas at mapagpalang araw po sa ating lahat.
Tatlong bagay lamang po:
UNA, nagsumite po tayo ng hiwalay na Senate Resolution 598 dahil gusto po nating matiyak na prayoridad ang ating mga manggagawa, lalo na ang mga essential workers, sa isasagawang National Covid-19 Vaccination Program.
Pero batid po nating ang isyu ng kung sino ang gagawing prayoridad sa bakuna ay kasinghalaga rin ng usapin sa kasalukuyang estado sa ngayon ng pagbili natin ng bakuna.
Nasaan na po ba talaga tayo? Bakit po parang sikreto ang proseso at walang nakakaalam kung kailan makakarating sa braso ng ating mga kababayan ang bakuna?
Naiintindihan po natin na hindi tayo pareho ng ibang mayayamang bansa na as we speak, nagtuturok na. Pero kahit po ang mga kapit-bahay na bansa natin, nagsisimula na sila. Ang Indonesia, magsisimula na ngayong buwan at uunahin ang mga essential workers nila. Ang Vietnam, kahit second-half of 2021 pa, may sarili naman silang Covid vaccine candidate na Nanovax. Ang mga bansa sa Europa, halos lahat po mga health care workers ang priority nila.
Ang mga kaibigan at kakilala ko pong mga Pinoy na nasa Massachusetts, Houston, Canada, at UK ay nabakunahan na, kahit na yung mga hindi naman medical frontliners. And of course, lalo na po ang mga kababayan nating medical frontliners sa Amerika.
Tama po, “there is light at the end of the tunnel.” Sooner or later, darating din ang bakuna. Pero bakit po ganun, nagba-vaccination na all over the world, pero tayo dito sa Pilipinas, hindi pa malinaw. Pasintabi na lang po, pero ang “baho” na po, the way we are doing this.
“There is light at the end of the tunnel.”
PANGALAWA, pasensya na po at babanggitin ko na naman ang mabaho ring salitang “POGO.” Noon pa man po bago pa nagka-CoViD ay inaagawan na ng trabaho, tirahan, at oportunidad nitong mga dayuhang manggagawa sa POGO ang mga Pilipino dito mismo sa Pilipinas.
Sa ngayon, kinumpirma mismo ni Teresita Ang-See na isandaang libong mga POGO workers na ang naturukan ng bakuna nitong Disyembre. At ito raw ay “through official government channels.” Pati ba naman po sa bakuna laban sa COVID-19, nauna pa ang mga dayuhang manggagawang karamihan ay mga Chinese habang hindi pa rin tiyak kung kailan mababakunahan ang sarili nating mga manggagawa?
Unang-una, hindi naman considered na essential workers ang mga POGO workers. Samantala, kahit isa po siguro sa 39-million labor force natin ay wala pang nababakunahan. Again, gusto po nating matiyak na uunahin sa listahan ang mga “essential workers” - mga medical frontliners, mga doktor at nurses, mga security guards, riders, drivers, garbage collectors, cashiers, bank tellers, salespersons, vendors, teachers, at isama na rin po natin ang mga pulis at sundalo, at iba pa.
Napakahalaga rin po ang kasiguruhang ligtas ang bakunang ating gagamitin. Bakit 47% ng mga Pilipino ay ayaw magpabakuna. Ang hindi pa po nababanggit ay 21% po ng ating mga kababayan na undecided according po ito sa Pulse Asia. Aware po ang ating mga kababayan na baka ang iturok sa kanilang braso eh bakuna na “no safety data”, “more adverse effects”, at “more expensive”.
Hihiramin ko po ang sinabi ni Sen. Ping Lacson, ano ba ang espesyal sa bakuna na Sinovac? May mga balita po na ito na talaga ng gagamitin natin.
Ako po, personal, May Ilang doktor na po ang nakausap natin na nagsabing sila mismo hindi magpapaturok ng Sinovac, halimbawa, na made-in-China. I don't know Mr. President how we will deal with those who do not want to be vaccinated but I am here to listen and help out in whatever we can do as a member of this institution.
AT PANGATLO, unti-unti po, nagiging tila “survival of the fittest” na ang sitwasyon natin. Ang mga may kaya at ‘yung may means and connections ang nababakunahan, habang ang mga ordinaryong Pilipinong essential workers ay nagtatanong: Kailan naman kami?
It also applies to our LGUs, ‘yung may means to directly procure the vaccine, gusto nating i-commnd yung LGUs like Manila, Makati, Pasig, Quezon City, kila Sen. Win sa Valenzuela, Vigan, sa Iloilo etc they already signed deals with pharmaceutical firms. Paano naman po ang mga mahihirap na LGUs? Pwede ba ang ganitong kanya-kanya na lang? Ito po ba ang Bayanihan? And “as one?”
The same goes to the business sector. Of course, good news po na nagkukusa ang mga negosyante natin. Ang iba magdo-donate pa nga sa gobyerno. But again, paano yung mga maliliit na negosyo na walang kakayanang bakunahan ang kanilang manggagawa, na kahit na po “swab test” ay hindi nila maibigay, kahit hanggang ngayon? Huwag naman nga po sanang umabot ito sa sitwasyong “survival of the fittest” na lang tayo. Ano po ang mga protocols for the purchase of vaccines ng mga LGUs, ng business sector?
It is important for the government to step up. Dapat pong mangyari ang Free Vaccine for All, at unahin ang mga essential workers, at huwag parang “paasa” sa ating mga kababayan.
We are looking for a definite and concrete response to this crisis.
Maraming salamat po.