Villanueva: Ituon ang 2022 national budget sa paglikha ng trabaho

Dahil sa patuloy na pagkawala ng trabaho dulot ng pandemya, hiniling si Senator Joel Villanueva sa gobyerno na ituon ang P5.02 trilyon na national budget sa susunod na taon sa paglikha ng maraming hanapbuhay.

 

“Dapat po sa bawat pisong gagastusin natin sa susunod na taon ay may trabahong mabubuksan para sa mga kababayan. Magsilbi po sanang job generator ang ating national budget,” ani Villanueva, chair ng Senate labor committee.

 

Dagdag pa ng senador, kasabay ng pagtutok sa health emergency na gawa ng pandemya ay ang paglikha din ng hanapbuhay para mapalitan ang mga trabahong nawala dahil sa COVID-19.

 

“Kung may ‘build, build, build’ tayo, sana’y may ‘jobs, jobs, jobs’ program din dahil biktima din ng pandemya ang maraming industriya na dahilan ng pagkawala ng trabaho ng marami sa mga breadwinners ng pamilya,” ani Villanueva.

 

Ayon pa sa senador, dapat umanong sulitin ng pamahalaan ang EQ o employment quotient ng paggastos sa imprastruktura sa pamamagitan ng paghiling sa mga contractor na bigyan ng hanapbuhay ang mga taong nakatira sa proyekto nila.

 

“Halimbawa, maaaring mga magsasaka rin ang kunin upang i-mintina ang mga irigasyon na napakahalaga sa kanilang ikinabubuhay. May additional income pa ang mga taong nagtatanim ng ating kinakain,” ani Villanueva.

“Dapat po sa bawat pisong gagastusin natin sa susunod na taon ay may trabahong mabubuksan para sa mga kababayan. Magsilbi po sanang job generator ang ating national budget.”

Hiniling din niya na ilabas ng maaga at mabilis ang pondo para sa proyektong agrikultura at pangkalusugan upang magamit sa paglikha ng trabaho.

 

“Sa susunod na taon, gagasta po tayo ng P19 billion sa ilalim ng Health Facilities Enhancement Program. Dapat ito maagang ma-release. Ito ang mga pasilidad na magliligtas na ng buhay, magbibigay pa ng trabaho,” dagdag ni Villanueva.

 

Isa pang paraan sa paggawa ng trabaho ay ang pagpapatigil ng gobyerno sa pag-angkat ng mga produkto sa ibang bansa na maaari namang mabili dito sa bansa, aniya.

 

Isinulong ni Villanueva ang kanyang panukala sa paglikha ng trabaho sa kanyang briefing mula sa economic managers sa national budget sa susunod na taon.

 

Dapat umanong tutukan din ang National Employment Recovery Strategy o NERS na programa ng pamahalaan sa paglikha ng trabaho at magkaroon ng isang tunay na “scorecard” kung ilan ang trabahong nag resulta mula dito.

 

“Ayaw po natin na parang ang programang ito ay tila bang nagpapalit lang tayo ng label sa isang lumang kahon. Yung parang existing jobs na pala tapos binilang lang as NERS initiative,” sabi ni Villanueva.

 

Isinusulong din ni Villanueva ang panukalang gawing permanente na ang TUPAD bilang programa ng pamahalaan para magkaroon ng pansamantalang hanapbuhay ang mga nawalan ng trabaho.