Villanueva sa DOH: Magpatupad ng epektibong plano para sa naghihikahos na healthcare system ng Metro Manila

Hiniling ni Senator Joel Villanueva sa Department of Health (DOH) ang malinaw na plano upang sagipin ang healthcare system ng Metro Manila dahil napupuno na ang mga ospital sa NCR ng maysakit at sagad na rin ang mga hanay ng healthcare workers.

 

Iminungkahi rin ni Villanueva, chairman ng Senate labor committee, na magpulong ang mga crisis managers ng gobyerno at magkaroon ng isang “level-headed” assessment ng mga kasalukuyang hakbang na ginagawa. Aniya, mainam rin na ipatawag ang mga hospital administrators upang magkaroon pa ng ibang perspektibo sa usapin at makapagbalangkas ng mas epektibong plano.

 

“Isang taon na pong tayong nasa kalbaryo na dulot ng iba’t ibang antas ng lockdown. Buhay at kabuhayan ng lahat ang direktang tinamaan ng polisiyang ito. Malalagay lamang sa wala ang lahat ng sakripisyo natin kung hindi pa rin malinaw ang plano ng Department of Health upang kontrolin ang pagkalat ng COVID,” ani Villanueva sa isang pahayag.

 

“Ang ating mungkahi po sa Pangulo, ipatawag po sa pulong ang mga hospital directors na nakababad sa mga frontlines upang makakuha ng mas malinaw na sitwasyon sa ating mga pagamutan. Alam po natin na ang ating Pangulo ay sanay makisalamuha sa kanyang mga frontliners. Ngayon ay panahon na upang marinig niya mismo ang kalagayan ng iba nating mga frontliner na nasa mas peligrosong lugar,” aniya.

 

“Malaking tulong po sa kampanya laban sa pandemya kung ang makakausap naman niya ay yung parating nakasuot ng PPE at hindi yung nag-uulat sa pamamagitan ng PPT o Powerpoint,” dagdag pa ng senador.

“Malaking tulong po sa kampanya laban sa pandemya kung ang makakausap naman niya ay yung parating nakasuot ng PPE at hindi yung nag-uulat sa pamamagitan ng PPT o Powerpoint”

Idiniin ni Villanueva ang kahalagahan ng mga isolation facilities kung saan maaaring magtungo ang mga mild at asymptomatic na pasyente at mabigyan ng sapat na atensyon, imbis na pumunta sa ospital at mga pagamutan, na dapat ay sa mga severe at kritikal na pasyente lamang.

 

Humingi rin ng update si Villanueva sa emergency hiring plan para sa mga healthcare workers mula sa DOH. Iginiit ng senador na dapat mas maganda na ang contract terms sa ilalim ng programa, na minsan niyang pinuna noong nakalipas na taon dahil sa maikling contract period. Sa paglungsad nito noong isang taon, tatlong buwan lamang ang employment contract sa ilalim ng emergency hiring for healthcare workers ng DOH.

 

Ayon sa senador, hindi masisisi ang “lockdown fatigue” sa mga tao dahil kailangang lumabas ng karamihan sa mga manggagawa upang makapaghanapbuhay para sa pang araw-araw na pangangailangan ng kanilang mga pamilya.

 

“Habang pinagbabawalan natin lumabas ang karamihan sa ating mga kababayan, dapat pong sapat ang tulong o ayuda ang ipinapaabot ng ating gobyerno. Napakapayak ang rason kung bakit lumalabas ang ating mga manggagawa sa kanilang mga tahanan: No work, no pay,” ani Villanueva.