Press Release / Human Rights

Transcript at the Anti-SOGIE Bill Rally

 







Mabuhay ang pakikibaka para sa Diyos at bayan! 
 
[Greetings]
 
Ang kagandahan ng gawain na ito, wala pong ibang bida kung hindi ang interes ng Diyos sa ating minamahal na bansa. Hindi po ako magtatagal, gusto ko lang po sabihin na ayaw na ayaw natin sa diskriminasyon, matanda ka man, bata ka man, miyembro ka man ng LGBT community, Katoliko, Kristiyano, Muslim ka man, ayaw ho natin ng diskriminasyon. Ayaw na ayaw natin sa diskriminasyon. Ang ating Saligang Batas ay itinataguyod ang karapatan ng bawat mamamayang Pilipino lalung-lalo na po ‘yung pagtataguyod ng pamilya. Napakasagrado ng pagtataguyod ng pamilya ngunit nakalulungkot pong isipin, ito pong panukalang batas na isinusulong mula doon sa Kamara de Representantes, eh para pong ang diskriminasyon naman ay sa ating mga Kristiyano’t mananampalataya. Nagulat po ako, mula sa committee hanggang sa plenaryo—March 1, March 8, March 9, March 10—noon pong mga debate, eh nagulat po ako na tila baga ‘pag ikaw ay negosyante, magbebenta ka ng cake at hiningi sa iyo ng bumibili na lagyan ng dalawang lalaki, tumanggi ka, ikaw ay liable, ikaw ay makukulong. Eh ikaw ay nag-eexercise ng iyong pananampalataya. Hindi mo naman ipinagkakait na ibenta yung cake kahit kanino pero bakit po ganoon? Nakita ko rin po, kung ikaw ay nagtatayo ng isang Bible school at may ipinapatupad ka na polisiya na batay sa iyong pananampalataya, lalo na sa pagtataguyod ng pamilya, lalo na pagdating sa sexual orientation ikaw din ay makukulong at makakasuhan.
 
Kahit nga po hindi Pilipino, mahal natin ang bawat indibidwal dahil gawa sila ng Diyos at sa mata ng Diyos, pantay ang mga tao, pantay maging sa ating mga batas at maging sa ating Konstitusyon. Kaya po tayong lahat importante na nagbabantay at sabi nga po ng Bibliya, “The enemy is like a roaring lion looking for someone whom to devour”, and that’s why we have to be vigilant. Kaya po tayo naririto dahil gusto nating ipabatid sa ating mga mambabatas lalo na po dito sa Senado na tayo po ay nagbabantay at hindi po tayo papayag na ma-discriminate ng kahit anong batas lalung-lalo na itong SOGIE bill po na ito. Kaya po makakaasa po kayo, kagaya po ng mga kasamahan natin sa Senado, nandiyan po sina Senator Manny Pacquiao at iba pa, eh lahat po kami, sina Tito Sotto na Majority Leader, lahat po kami ay binabantayan namin nang husto ito at commitment po namin sa inyo, hindi po papasa ang isang batas na hindi lang dini-discriminate ang bawat isa sa atin kung hindi, magbibigay sugat sa puso ng Diyos. 
 
Mabuhay po kayo! Maraming salamat po sa inyong pagpunta. God bless you all po.